Batang may kondisyon sa dila, humihinge ng tulong financial para sa operasyon.
Kanina after ko magdistribute ng Summative Tests sa barangay Mangga, Quezon, Isabela, sinadya kong puntahan si Leonardo Almazan Jr. dahil nakita ko ang kanyang kalagayan sa Facebook post ni Ms. Mitch Cagurangan Nejar .
Nadatnan ko siyang aktibong nakipaglalaro kasama ang mga bata sa kanilang compound. Kitang-kita ko ang lungkot sa kanyang mga mata na pilit na ikinukubli ng kanyang mapanuyang pagtawa.
Si Leonardo, anim na taong gulang, ay nag-iisang anak na lalaki at bunso sa limang magkakapatid. Ayon sa kanyang ama na si Leonardo Almazan Sr. ,isang Public Order and Safety Unit member sa LGU Quezon, noong sanggol pa lamang si Leonardo ay nakitaan na daw nila ng bukol sa kanyang kanang pisngi at agad daw nila itong dinala sa pagamutan.
Check-up lamang daw ang ginawa ng doktor at hindi isinalang sa masusing tests si Leonardo. Hindi pa raw ganon kalaki ang kanyang dila noon pero habang siya'y nagkakaedad unti-unti rin daw itong lumaki.
Sa labis na pagkabahala, muli daw nilang isinugod sa ospital si Leonardo ngunit hindi raw binigyan ng pansin ng mga doktor. Sumama pa raw ang loob ni Mang Leonardo sa isang hospital na hindi man lang inintindi ang kalagayan ng kanyang anak.
Mula noon, nawalan ng pag-aasa ang pamilyang Almazan at hinayaan na lamang na mamuhay si Leonardo nang hindi nabigyan ng karampatang lunas.
Nang aking tanungin ang kanilang kalagayang pinansyal, nairaraos naman daw nila ang pang-araw-araw na gastusin mula sa kinikita ni Mang Leonardo sa pagiging POSU member at kaunting tubo sa paglalako ng mga kakanin ng kanyang dalawang anak na babae.
Hindi nga talaga natutulog ang Diyos. Kamakailan lamang, may grupo ng mga taong may mabubuting puso ang nagpaabot ng tulong kay Leonardo.
Isa na rito si Dok Marisa Maritana, isang Pediatrician sa PGH.
Base sa kwento ni Mang Leonardo, hinihintay na lamang daw ang resulta ng mga tests kay Leonardo at agad raw siyang ooperahan.
Hindi rin napigilan ng nakatatandang kapatid ni Leonardo ang pagbuhos ng kanyang luha habang isinasalaysay niya sa'kin ang pagdagsa ng tulong sa kanilang pamilya.
Sa Huwebes ay babalik ako kay Leonardo. Sa aking pagbalik, hindi ko alam kung anong magandang balita ang aking babaunin pero isa lang ang masisiguro ko, magiging normal na muli ang dila ng nag-iisang Junior ng pamilyang Almazan.
No comments